Isang 48-anyos na lalaki na may kapansanan sa paningin ang inaresto ng mga pulis matapos ireklamo ng panggagahasa sa magkapatid na menor de edad na babaeng may kapansanan din sa paningin sa Dagupan, Pangasinan.

Ayon sa ulat ni Kim Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing edad 11 at 15 ang magkapatid na biktima, at may kapansanan din sa paningin ang kanilang mga magulang.

Napag-alaman din na matalik na kaibigan ng ama ng mga biktima ang suspek kaya hindi niya inakala magagawa ng suspek ang krimen sa kaniyang mga anak.

"Buong ano akong nagtiwala sa kaniya. Wala akong kaduda-duda na iba pala ang ginagawa niya sa mga anak. Pinagkatiwalaan ko siya," hinanakit ng ama ng mga biktima.

Ayon sa 11-anyos na biktima, sinimulan silang gahasain ng suspek nito lang Setyembre. Pero hindi raw sila kaagad nakapagsumbong sa kanilang magulang dahil sa takot.

Hindi naman muna nakapagbigay ng pahayag ang suspek at ang pulisya tungkol sa reklamo at patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyonan.--FRJ, GMA News