Nabaon sa malaking pagkakautang si Mang Carlito nang maospital ang kaniyang asawa, bukod pa sa buwan-buwan na gastusin sa mga gamot. Kaya naman laking pasasalamat niya nang may mahukay siyang baon na naglalaman ng mga Japanese money at 21 pirasong barya na ang ilan ay kulay ginto.

Isang nag-aalahas daw ang nagkainteres na bilhin kay Mang Carlito ang mga barya sa halagang P22,100. Para sa isang katulad niyang gipit at nangangailangan ng pera, malaking halaga na iyon para kay Mang Carlito.

At para malaman din kung may halaga pa ang Japanese money na hawak ni Mang Carlito, ipinasuri ang mga ito sa isang eksperto.

Tinanong na rin ng eksperto kay Mang Carlito kung anong uri ng mga barya ang nakita at ipinagbili niya sa halagang P22,100.

Nagulat ang eksperto nang ituro ni Mang Carlito ang mga uri ng barya dahil maituturing umanong pambihira na ang mga iyon at tinatayang nagkakahalaga pala ng P30,000 hanggang P50,000 ang bawat isa.

Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang buong kuwento.
--FRJ, GMA News