Isinugod sa ospital ang dalawang magkapatid matapos silang pagtatagain umano ng kanilang kuya dahil sa alitan sa usapin ng lupa sa La Paz, Abra.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang mga biktima.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman sa isang birthday party ang magkakapatid nang magkaalitan sila nang mapag-usapan na ang tungkol sa lupa na nauwi sa pananaga.

Naaresto naman ang suspek na idinahilan na hindi niya nagustuhan ang masamang pananalita ng kaniya ng kaniyang mga kapatid kaya niya nataga ang mga ito.

Labis naman daw na pinagsisisihan ng suspek ang kaniyang nagawa sa kaniyang mga kapatid.

Sa Talisay, Cebu naman, nabangga ng isang motorsiklo ang isang siklista matapos siyang mag-beating the red light.

Nagkabanggaan sila habang papatawid ng intersection ang siklista.

Nakabangon naman agad ang dalawa, pero hindi malinaw kung nagkaaregluhan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News