Nasawi ang isang ama matapos makuryente sa nabalatang bahagi ng extension wire sa Pangasinan. Ang biktima, magsasaksak sana ng bentilador para mahanginan ang anak na may kapansanan.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Leonard Kadlaon, ng Barangay Poblacion sa Alaminos, Pangasinan.

Nasa kanilang bahay ang biktima at isasaksak sana ang bentilador nang mahawak niya ang nabalatang bahagi ng extension wire at nakuryente.

Sinubukan siyang iligtas ng kaniyang misis pero siya man ay nakuryente rin.  Nakaligtas ang ginang nang makabitiw kaagad sa nakuryente niyang mister.

Ayon sa anak ng biktima, nakita niyang hawak ng kaniyang ama ang extension wire at nakadiretso na ang mga paa.

Naulila ng biktima ang tatlong anak, na ang isa ay magdadalawang- buwang gulang pa lang.

Paalala naman ng pulisya, laging mag-iingat sa lahat ng ginagawa para makaiwas sa disgrasya.--FRJ, GMA News