Halos nakahubad at may mga sugat sa katawan nang makita ang bangkay ng isang babae sa gilid ng kalsada sa Tuguegarao City.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing may nakabalot din na sako sa ulo ng biktima.

Isang kawani ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang nakakita sa bangkay at ipinagbigay-alam niya ito sa mga awtoridad.

Walang pagkakakilanlan sa biktima nang unang makita pero natukoy din kinalaunan nang magsagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jonalyn Tecbobolan, hepe ng Tuguegarao Police, naaresto ang isang suspek at umamin na umano sa krimen.

Batay umano sa testimonya ng suspek, kaibigan niya ang 29-anyos na biktima at nagkaroon daw sila ng mainit na pagtatalo nang pumunta sa kaniyang bahay ang babae at pilit na nanghihingi ng pera.

Nagdilim umano ang kaniyang paningin hanggang sa masaksak at mataga niya ang biktima sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Mag-isa rin lang umanong ginawa ng suspek ang krimen --FRJ, GMA News