Dumating na sa Cagayan province ang swan boats mula sa Baguio City upang gamiting pang-rescue sa mga stranded sa baha sa naturang lalawigan.

Iniulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes na ang mga swan boat, na kilalang atraksyon sa Burnham Park sa Baguio City, ay dumating sa mga bayan na lubhang binaha dahil sa bagyong Ulysses, partikular ang bayan ng Amulung.

Dagdag ng balita, hindi lamang pang-rescue ang mga swan boat kundi pang-aliw na rin sa mga batang apektado ng baha.

Nauna nang sinabi ng Baguio City Police Office na ang pagpapahiram ng swan boats ay bahagi ng kanilang “Oplan Tulong" sa mga biktima ng malawakang pagbaha sa Cagayan Valley region. —LBG, GMA News