Arestado ang isang babae matapos umanong tangkaing tangayin ang isang bata sa loob ng isang bahay sa Calasiao, Pangasinan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Madaling araw daw ng pasukin ng suspek ang bahay ni Ava Estrella at tinangkang tangayin ang natutulog niyang anak.

"Kasi 'yung cellphone ko nasa ilalim ng unan ko. Kung hindi raw po 'yung cellphone, 'yung baby po 'yung kukunin niya, sabi niya... Hindi po kasi siya makapagsalita. Gawain na niya, ibebenta siguro, kasi 'yung mga nakukuha niyang gamit binibenta niya po," sabi ni Estrella sa kahiwalay na ulat ni Russel Simorio sa Balitang Amianan.

Tinangka pa ng suspek na tumakas pero hinabol siya ng mga residente hanggang sa makorner. Nang makorner ay nagpanggap daw itong nahimatay.

"Nag-effect po ng citizen's arrest 'yung ating mga barangay tanod. Sila po mismo ang nag-aresto doon sa mga tao bago po nila pinunta po dito sa ating himpilan," ani Police Lieutenant Ramil Castro, duty officer ng Calasiao Police Station.

Trauma at takot ang naramdaman ni Estrella matapos ang pangyayari.

Napag-alaman na kailan lang ay pinasok din ng suspek ang isang bahay at nagnakaw ng cellphone.

Hindi na nakuhaan ng pahayag ang suspek na may kapansanan daw sa pagdinig at pananalita, bagama't sasampahan pa rin siya ng reklamo. --Jamil Santos/KBK, GMA News