Bangkay na nang matagpuan, walang saplot, at tadtad ng saksak ang isang Grade 7 student na naghanap ng signal para sa kaniyang module sa San Narciso, Quezon.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" Weekend nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Bheanne Banico, 12-anyos, na nagtungo sa isang masukal na bahagi ng Barangay Punta para mag-online at makausap ang kaniyang guro tungkol sa module nila sa klase.

Ayon sa kaniyang lolo, Biyernes ng umaga nagpaalam ang kaniyang apo.

Pero makalipas ang isang oras, hindi na makontak ang cellphone ng dalagita kaya hinanap na siya.

Nang matagpuan, wala nang buhay ang biktima.

"'Yung bangkay ng aking apo na nasa sukalan, may mga sugat po sa leeg na sa tingin ko'y... at saka marami pa po sa katawan," sabi ni Vicente Banico, lolo ng biktima.

"Ako naman ay nakikiusap sa iyo na panagutan mo ang ginawa mo sa aking apo sapagkat tinigil mo ang kaniyang magandang future eh," panawagan ng pamilya ni Banico sa gumawa ng krimen.

In-autopsy na ang labi ng biktima habang patuloy ang imbestigasyon. -Jamil Santos/MDM, GMA News