Isang ama na bigla umanong nagbago ang ikinikilos mula nang salantahin ng mga bagyo sa Virac, Catanduanes ang pinagpapalo ng dos-por-dos ang kaniyang asawa at dalawa anak.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabing nasawi ang misis at malubhang nasugatan ang mga anak nilang edad siyam at isa.

Malubha ring nasugatan ang suspek matapos siyang barilin ng mga rumespondeng pulis na kaniya umanong aatakihin.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing nagbago umano ang asal ng suspek at posibleng nagka-trauma matapos na masalanta ng mga bagyo tulad ni "Rolly."

Katatapos lang umanong maghapunan ang pamilya nang magwala at pagpapaluin ng suspek ang kaniyang mag-iina.

Una umanong hinataw ng kahoy ng suspek ang kaniyang misis at isinunod ang dalawang anak.

Nakapagtago naman ang isa pa nilang anak na nasa loob ng bahay.

Ang mga anak na nakalabas ng bahay, humingi naman ng saklolo.

Nagpapagaling na sa ospital ang suspek na mahaharap sa kasong murder at multiple frustrated parricide. --FRJ, GMA News