Patay ang isang babaeng negosyante matapos siyang barilin ng riding in tandem habang papunta sa kaniyang milk tea shop sa General Santos City.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabing batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, naglalakad ang biktimang si Freya Joy Cuevas papunta sa tindahan nang tambangan siya ng mga salarin.

Kinuha pa ng mga salarin ang cellphone ng biktima bago tumakas.

Isinugod sa ospital si Cuevas pero idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, ahente rin ng sasakyan si Cuevas at noong nakaraang buwan ay nakatanggap daw ng pagbabanta sa buhay.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen para matukoy ang mga salarin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News