Kahit nasa dagat matapos ang eksena, hindi nagpaawat sa pag-Tiktok si Gardo Versoza at isinama pa ang kaniyang mga co-actor sa "Wish Ko Lang." Inihayag din ni Gardo na kilala sa tawag na "Cupcake" kung sinong celebrity ang gusto niyang maka-Tiktok challenge.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing gaganap si Gardo bilang isang tatay ng pamilyang sinira ng tsismis at nagkaroon ng trahediya sa "Wish Ko Lang" episode sa darating na Sabado.

Makakasama niya sina Lovely Rivero, Joyce Ching at Shaira Diaz.

"Family story siya na may tsismosa na nagkakalat ng ganitong rumors against doon sa daddy namin si Gardo Versoza," ayon kay Shaira.

"'Yung character ni Shaira, very close kaming magkapatid, ako po 'yung ate and then younger si Shaira. Siya 'yung medyo mas malapit na malapit talaga sa tatay namin kaya na-shatter din 'yung mundo niya noong nagkaroon ng tsismis nga," sabi ni Joyce.

"'Yung role na pine-play ko, isa siyang mangingisda. Kumbaga kahit gaano kahirap ang buhay hindi siya sumusuko. Hanggang there was one time na naaksidente 'yung anak niya pagkatapos kinain ng pinaka-elecy nu'ng bangka 'yung buhok niya," ani Gardo.

Mabibigat ang mga eksena sa naturang episode, pero masaya naman ang cast sa likod ng camera dahil nagpapasimuno si Gardo o "Cupcake" ng mga pa-challenge niya sa Tiktok.

 

 

"'Ready na kami actually. Parang kapag nakita mo lang si Cupcake, magti-Tiktok tayo today," sabi ni Shaira.

"Kahit nga nu'ng nasa bangka sila nag-Tiktok sila, 'yung tumaob sila nu'ng nandu'n sila sa dagat. Ang saya lang kasi ang dami ring followers ni tito Gardo, ni Cupcake," ayon kay Shaira.

Inihayag naman ni Gardo kung sino ang target niya na mapag-Tiktok sa taping ng series na "First Yaya."

"Tinatarget ko pa si Mr. President na si Gabby Concepcion. And hopefully malambing ko rin si Tito Lhar," ayon kay Gardo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News