Nagtamo ng sugat sa mukha ang isang mister sa Cabugao, Ilocos Sur matapos siyang tagain habang natutulog ng sarili niyang asawa.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, itinago ang biktima sa pangalang "Rolly," na nagtamo ng sugat sa itaas ng kaniyang bibig.

Nakadetine naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na itinago sa pangalang "Mercy."

Ayon kay Mercy, may nakakakita sa kaniyang mister na laging may kausap sa telepono na hinihinala niyang babae nito.

Nang komprontahin umano niya ang kaniyang mister, nagbanta raw itong iiwan siya at sasama na sa kaniyang babae.

Dito na raw nagdilim ang isip ng suspek kaya nataga ang kaniya ang asawa habang natutulog.

Ayon kay Police Captain Franco Catalan, Officer-in-Charge ng Cabugao Police Station, sinabi ng biktima na lagi silang nag-aaway ng kaniyang misis.

Pero itinanggi ni Rolly ang paratang na mayroon siyang kalaguyo.

Sa kabila ng ginawa ng asawa, sinabi ni Rolly na wala siyang balak na kasuhan pa si misis dahil iniisip niya ang kapakanan ng kanilang mga anak.--FRJ, GMA News