Nasawi ang isang negosyante at isang ginang sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Zamboanga City at Marilao, Bulacan. Ang mga salarin, pawang sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali," kinilala ang nasawing biktima sa Zamboanga City na si Nataniel Marcial, may rent-a-car business sa nabanggit na lungsod.

Bibili lang umano ng tubig ang biktima sakay ng kaniyang sasakyan nang barilin siya ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.

Sa hiwalay na ulat naman sa GMA News "Saksi," isang ginang ang sakay ng tricycle ang binuntutan at binaril ng salarin na sakay ng motorsiklo.

Sa kuha ng CCTV, makikita na nagawa pa ng biktima na makalabas ng tricycle pero muli siyang binaril ng salarin.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News