Isang senior citizen sa Cotabato ang nabudol ng isang babaeng nagpanggap na inaanak niya, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Kuwento ng 74-anyos na biktima sa mga pulis, nagbabantay siya ng tindahan nang lapitan siya ng babaeng nakamotorsiklo at nagpakilalang inaanak niya.

Nangutang daw ang babae ng P10,000 at bilang collateral daw ay iniwan nito ang kaniyang lumang ATM card.

Tinangkang kausapin ng anak ng biktima ang babae para humingi ng ID pero agad nitong pinaharurot palayo ang kaniyang motorsiklo.

Inaalam na ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV. —KBK, GMA News