Isa na namang abogado ang nasawi matapos pagbabaril. Ang pinakabagong biktima ay isang abogado sa Malaybalay City, Bukidnon.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao," kinilala ang biktima na si Atty. Winston Intong, residente ng Barangay 6.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktima na naglakad papunta sa isang tindahan.

Hindi nagtagal, dumating ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Tinamaan naman ng ligaw na bala ang tindero na nakaligtas.

Limang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.

Kasama sa iimbestigahan ay kung totoo na nasangkot sa ilegal na droga si Intong at nakasama sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang barilin at patayin si Atty. Joey Luis Wee sa Cebu, at  si Atty. Eric Jay Magcamit naman sa Palawan.--FRJ, GMA News