Isang drug suspect ang napatay ng otoridad matapos manlaban umano nang makatunog na mga pulis ang ka-transaksiyon niya sa isang buy-bust operation sa Imus, Cavite.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Fritz Marion Florentino, na nakuhaan ng ilang pakete ng hinihinalang shabu at isang baril.

Napag-alaman na may kinakaharap ding kasong murder si Florentino.

Samantala, sa bayan naman ng Naic, nanlaban din daw ang suspek na si Ricky Perez, na miyembro umano ng isang drug group sa Bacoor, kaya siya napatay ng mga otoridad.

Nakuha mula kay Perez ang 14 pakete ng hinihinalang shabu. —KBK, GMA News