Patay ang apat katao, kabilang ang dalawang bata, matapos banggain ng isang nakatulog umanong driver ng pickup ang sinasakyan nilang tricycle sa Santa Ignacia, Tarlac.

Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing galing sa Tarlac City ang mga biktima nang maganap ang insidente sa Barangay Santa Ines East.

Kinilala ang mga biktima na sina Mark Emilio Claudio, 2-anyos; Caster Jas Claudio, 5-anyos; Cristal Jia Dizon, 22-anyos; at Adela Canilang, 47-anyos.

Sa isamg amateur video, makikita na karga-karga pa ng kaniyang lolo si Mark Emilio, na isinugod sa ospital pero nasawi rin kalaunan.

"Hindi ko po alam kung hanggang kailan kami makaka-recover sa ganitong nangyari sa amin. Hindi po namin alam kung hanggang kailan, kung gaano kahirap. Masakit, masakit na masakit. Parang nawalan na po kami ng pag-asa," sabi ni Analyn Mandapat-Claudio, ina ng dalawang bata.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nawalan ng control ang driver ng pickup kaya tuluyan itong sumalpok sa tricycle.

"Pagdating po roon sa mismong crime scene, allegedly gumewang-gewang na itong pickup. Doon naman sa statement niya, nakaidlip daw yata or [nasilaw] sa liwanag ng araw, sabi naman ng driver ng pickup," ayon kay Police Executive Master Sergeant Randy Ramos, duty investigator ng Sta. Ignacia Police Station.

Humingi ng tulong ang mga kaanak ng mga nasawi para mabigyan sila ng maayos na libing.

"Hindi namin alam kung saan po namin kukunin 'yung gastos," ani Claudio.

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang driver ng pickup pero pansamantala muna siyang nakalaya matapos makapagpiyansa. —Jamil Santos/KBK, GMA News