Isang konsehal sa Pinabacdao, Samar ang pinagbabaril at napatay sa Barangay Laygayon nitong Lunes ng umaga. Ang kasama ng biktima na konsehal din, hinayaang mabuhay.

Batay sa impormasyon mula sa Police Regional Office VIII, kinilala ang biktima na si konsehal Samuel Lagario, 50-anyos.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing sakay si Lagario ng motorsiklo kasama ang konsehal din na si Robert Balundo nang barilin ang biktima ng mga salaring nasa isang sasakyan.

Hindi naman sinaktan si Balundo na pinababa raw ng mga salarin sa motorsiklo.

Papunta raw sana sina Lagario at Balundo sa sesyon ng konseho nang mangyari ang insidente.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at patuloy na tinutugis ang mga salarin.--Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News