Patay ang isang babaeng angkas sa motorsiklo nang bumangga sila sa papalikong tricycle sa Mangaldan, Pangasinan. Ang rider ng motorsiklo at driver ng tricycle, parehong nakainom at parehong nakaligtas.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Virginia Rosario, 48-anyos.

Sa kuha ng CCTV sa Barangay Poblacion, makikita na papaliko ang tricycle nang dumating mula sa likuran sa kaparehong linya ng kalsada ang motorsiklong sinasakyan ni Rosario.

Bumangga ang motorsiklo sa tricycle at bumagsak ang rider at si Rosario.

Tumama sa semento ang ulo ni Rosario na walang suot na helmet.

Nakaligtas naman ang kaniyang rider na may suot na helmet.

Ayon sa anak ni Rosario, pauwi na ang kaniyang ina mula sa bahay ng kaibigan nang mangyari ang trahediya.

Lumitaw sa imbestigasyon na parehong nakainom ang rider at driver ng tricycle na si Jinskie De Guzman.

Pareho silang sasampahan ng reklamo ng pulisya.--FRJ, GMA News