Nahuli-cam ang ginawang kalaswaan ng isang lalaking pasahero sa loob ng jeep at ipinakita pa ang maselang bahagi ng kaniyang katawan sa dalawang babae sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni King Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nasa edad 40 ang lalaki habang sakay ng jeepney na may rutang Dagupan City.

Ang pasaherong babae na itinago sa pangalang "Andrea," kinuhanan ng video sa kaniyang cellphone ang ginagawa ng lalaki habang bumibiyahe ang jeep.

Tinatakpan pa niya ng sombrero ang kaniyang maselang bahagi ng kaniyang katawan pero halata pa rin ang ginagawang kahalayan sa sarili habang tumitingin sa kanila.

"Kapag may sumasakay, tinatakpan niya ng sumbrero niya [ang ari]. Tapos kapag umaandar na, ginagawa niya ulit," ayon kay Andrea.

Sisitahin daw sana niya ang lalaki pero hindi siya makakuha ng tiyempo hanggang sa bigla itong bumaba ng jeep.

"Yung pagpara niya medyo nanginginig. Kasi parang napansin niya yata na nag-take ako ng pictures at videos," ayon pa kay Andrea.

Nilinaw naman ni Andrea na kinuhanan niya ng video ang lalaki para magsilbing babala sa iba.

Ayon sa isang psychologist, ang pagiging "exhibitionist" ay isang mental disorder.

"Most of the time, kapag ginagawa nila ito [kahalayan] mas napi-feel nila yung pleasure. Kapag kunwari nagpakita sila ng kanilang genetils sa unsuspecting person and nagugulat yung unsuspecting person na 'yon, ang nangyayari sa kanila, mas na-a-arouse sila," paliwanag ng physchologist na si Karl Anthony Rufo.

Base sa batas, ang pagpapakita ng maselang bahagi ng katawan ay isang uri ng sexual harassment at puwedeng kasuhan ang taong gagawa nito.

Patuloy naman inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking pasahero.--FRJ, GMA News