Patay na pala at tadtad sa saksak ang isang driver na inakalang nagpapahinga lang sa loob ng kaniyang van sa Cabuyao, Laguna.

Ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV “State of the Nation” nitong Miyerkules, sinabing nakuhanan sa CCTV ang pagpatay sa biktimang si Tirso Robles.

Sabi ng pulisya, pinatay mismo sa loob ng van si Robles.

Base sa CCTV, may isang lalaking nakadamit ng kulay pula ang lumapit sa van at pinagsasaksak ang biktima. Kaagad ding tumakas ang suspek.

Ayon sa pulisya, selos ang motibo ng suspek dahil base sa mga text messages sa cell phone ng biktima, may kikitain dapat siya bago mangyari ang krimen.

Nanawagan naman ang Cabuyao Police sa ka-text ng biktima na makipag-ugnayan sa pulisya.

“Dito sa ka-text ng biktima… nananawagan ang PNP Cabuyao na hangga’t maaari, makipagtulungan ka sa amin para malinawan din ang pangyayari,” ani Cabuyao Police chief Lieutenant Colonel Gilmore Wasin.

Dagdag pa ng pulisya, walang indikasyon ng pagnanakaw dahil sa iniwang P50,000 at cell phone ng biktima.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News