Napatay ng mga pulis ang isang ama na inireklamo ng panghahalay sa apat niyang anak sa Mahayag, Zamboanga del Sur.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, inilahad ng mga awtoridad na aarestuhin sana si Benong Zamora Jr., pero bigla raw itong nagtangkang tagain ang mga pulis .

Kaya naman napilitan ang mga pulis na paputukan siya na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ang mismong asawa at mga anak niya ang nagreklamo sa pulisya tungkol sa panghahalay umano ni Zamora sa kaniyang mga anak.

Nasa pangangalaga na ng Municipal Social Welfare Development Office ang mga anak ng suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News