Dead on the spot ang dalawang rider na mabilis umano ang pagpapatakbo ng motor matapos silang magkasunod na mahulog sa sirang bahagi ng kalsada sa Bacolod City.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Remy Bertolano at Julius Urbano, na pauwi na nang mangyari ang insidente, batay sa imbestigasyon.

Sa tulin ng takbo ng kanilang motorsiklo, hindi na nakapreno pa ang mga biktima at dumiresto sa sirang bahagi ng kalsada na malubak at mabato.

Natumba at tumilapon sina Bertolano at Urbano.

Magkasunod na nangyari ang sakuna kung saan si Bertolano na may suot na helmet, tumama ang mukha sa kalsada.

Si Urbano naman na walang helmet ay nagtamo ng sugat sa ulo. --Jamil Santos/FRJ, GMA News