Sinampahan ng patung-patong na reklamo ang 13 pulis dahil umano sa pagnanakaw at pag-torture sa isang babae sa Cebu City. May isa pang babae ang nabiktima rin umano ng mga pulis at pinagsamantalahan pa raw sa motel.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing inalis na sa puwesto ang mga pulis at ang kanilang hepe sa Sawang Celero Police Station.

Nakadetine na ang 11 pulis habang hinahanap pa ang dalawa.

Kuwento ng isang biktima, Marso 26 nang dumating ang mga pulis sa kanilang bahay.

Nang hindi umano makita ang kanilang hinahanap, kinuha ng mga pulis ang mamahaling gamit sa bahay at cellphone ng biktima.

Dinala rin sa police station ang babae at doon umano pinahirapan.

Pagkalipas ng tatlong araw, pinakawalan siya.

Pero bago nito, una umanong biniktima ng grupo ang isa ring babae na pinasok ang bahay noong Marso 9.

Naghahanap daw ng baril ang mga pulis at nang walang makita,  kinuha ang kaniyang pera, mamahaling gamit at alahas.

Pinag-withdraw pa raw ang biktima ng P170,000 at dinala sa motel kung saan siya pinagsamantalahan ng isang pulis.

Hindi naman pinayagan na makuha pa ang panig ng mga pulis.--FRJ, GMA News