Patay ang isang 42-anyos na nagbibisikleta matapos siyang salpukin ng motorsiklong "garong" habang tumatawid sa highway sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, makikita sa CCTV ng Barangay Salay ang biktimang si Ruel Cera na tumatawid sa highway.

Pero bago pa siya tuluyang makatawid, nasalpot siya ng garong na motorsiklong may sidecar na gamit sa pagkarga ng produkto.

Natumba ang biktima at tumama ang ulo sa semento.

Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon sa misis ng biktima, pauwi sana ang kaniyang asawa para mananghalian nang mangyari ang insidente.

Wala pang pahayag ang driver ng garong pero nakatakda raw mag-usap ang magkabilang panig.--FRJ, GMA News