Brutal na pinatay sa kanilang bahay ang apat katao--kabilang ang isang bata--sa Bacolod City. Ang mga biktima, posibleng tatlong araw na raw patay bago nadiskubre ng iba pa nilang kamag-anak.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Jocelyn Nombre, Gemma Espinosa, Michael Espinosa at batang babae.

Nakita ang bangkay ng bata sa sofa ng bahay sa Barangay Tangub, habang nasa labas naman ang bangkay ng tatlong iba pa.

Nagtamo sila ng mga sugat sa ulo na indikasyon umano ng pagpalo ng matigas na bagay, ayon sa mga awtoridad.

Ang isang babaeng biktima, ginupit pa raw ng salarin ang buhok.

Nadiskubre lang ang krimen nang may kamag-anak na nagtungo sa bahay ng mga biktima at makita ang mga bangkay.

Bukas daw ang gate ng bahay at may nakaharang lang na bakal sa lock nito.

Hinihinala ng mga awtoridad na tatlong araw nang patay ang mga biktima, at posibleng sa gabi sila pinatay dahil bukas pa ang ilaw ng bahay nang matadnan.

Wala rin daw indikasyon na puwersahang pumasok ang mga salarin na hindi bababa sa dalawa, at walang mahahalagang bagay na nawala sa bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at isang person of interest na ang nasa kostudiya ng mga pulis para hingan ng impormasyon.

Isinailalim din sa awtopsiya ang mga labi ng mga biktima. --FRJ, GMA News