Patay ang isang 33-anyos na construction worker matapos siyang pagtulungan at pagsasaksakin umano ng mag-ama na kaniyang kainuman sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jimmy Miranda ng Barangay Calmay.

Nagtamo ng mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima at iniwan nakabulagta ng mag-amang suspek na nakatakas.

Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang mga biktima nang magkaroon sila ng alitan at humantong sa pananaksak.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Police Lieutenant Nario Cahigas, Chief Investigator ng Dagupan City Police, na bago pa ang krimen ay dati nang may alitan ang biktima at suspek.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang mag-ama. --FRJ, GMA News