Patay ang isang babaeng drug suspek matapos umanong manlaban sa isinagawang buy-bust operation sa Bacolod City.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Hilda Trujillo.

Sugatan naman ang kaniyang ka-live in na si Xiever Louis Rosales.

Isinugod pa sa pagamutan ang mga suspek pero hindi na umabot nang buhay si Trujillo.

Nakuha sa mga salarin ang 54 na pakete ng pinaniniwalaang shabu na may halagang hindi bababa sa P2.5 milyon.

Sinabi ng pulisya na kabilang sa Divinagracia Drug Group ang mga suspek.

Lima naman ang arestado sa buy-bust at pagsalakay sa isa umanong drug den sa Tacloban, Leyte.

Kabilang sa mga naaresto ang dalawang menor de edad.

Nasabat ang anim na pakete ng shabu na may halagang halos P80,000.

Umamin ang dalawang target ng operasyon na kanila ang ilegal na droga.

Sinabi naman ng tatlo pang suspek na napadaan lang sila sa bahay.

Sinunog ang mahigit P2 milyon halaga ng marijuana matapos itong masamsam ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tatlong plantasyon sa boundary ng Ilocos Sur, Benguet at Mountain Province.

Walang nahuling suspek sa mga plantasyon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News