Patay ang isang angkas at naputulan naman ng binti ang rider matapos sumalpok ang kanilang motorsiklo sa kasalubong na tricycle sa Noveleta, Cavite.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ng isa pang tricycle driver na saksi sa pangyayari na nasa likuran niya noon ang naaksidenteng motorsiklo.

Nagmenor daw ang saksi dahil nakita niya ang naaksidenteng tricycle na makakasalubong niya at liliko.

Pero nag-overtake umano sa kaniya ang nasa likod na motorsiklo kaya tumama ito sa papalikong tricycle.

Mabilis umano ang takbo ng rider kaya nawasak ang kanilang motorsiklo sa lakas ng banggaan.

Nadala pa sa ospital ang dalawang sakay ng motorsiklo pero binawian ng buhay ang angkas, habang naputulan ng binti ang rider.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente.—Jamil Santos/FRJ, GMA News