Natagpuang patay ang dalawang menor de edad sa isang masukal na bahagi ng  Barangay Graceville, San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan.

Sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Jenny De Vera, 11-anyos, at Lou Anderson Icalla, 8-anyos.

Ayon sa ulat, may mga sugat sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima. Pinaniniwalaan ding ginahasa si Jenny dahil wala na itong saplot pang-ibaba at pang-itaas at iniwang nakatihaya.

Natagpuan hindi kalayuan sa katawan in Jenny ang bangkay ni Lou Anderson na nakadapa sa damuhan.

Kwento ng mga kaanak ng mga biktima, nagpunta sa lugar noong Martes ang magkakaibigan upang maglaro. Hindi umano ito ang unang beses na ginawa ng dalawa ang paglalaro doon.

Ngunit, sa araw na iyon, hindi na nakauwi ang dalawa hanggang sa pagsapit ng gabi.

Nagtulong-tulong ang mga kaanak na hanpin ang mga bata hanggang sa matagpuan nila ang bangkay ng dalawa. Hustisya ang sigaw ng pamilya De Vera at Icalla, ayon sa ulat.

Pahayag ng mga pulis sa SJDM, isasailalim pa sa autopsy ang mga bangkay ng dalawa upang makakalap ng mga ebidensya patungkol sa pagkamatay ng mga biktima.

Ayon sa mga pulis may "persons of interest" na silang tinitingnan habang patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa salarin.  

Humihingi naman ang dalawang pamilya ng tulong sa pagpapalibing sa mga bata dahil mahirap lamang umano sila.

Nangako ang barangay at mga pulis na paiigtingin ang segurtdad sa lugar dahil hindi umano ito ang unang beses na nagkaroon ng patayan sa doon. —LBG, GMA News