Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 28-anyos na misis matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang mister sa San Nicolas, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jovelyn Lucas.

Naaresto naman ang kaniyang mister na si Don Richard Lucas, na tulala umano at hindi pa nakapagbibigay ng salaysay.

Nangyari ang krimen matapos ang mainit umanong pagtatalo ng mag-asawa sa kanilang bahay sa Barangay Calanutian.

Ayon kay Police Lieutenant George Banayos Jr., hepe ng San Nicolas Police, lasing umano ang suspek nang mangyari ang krimen.

Bagaman tulala, makikita umano ang labis na pagsisisi ng suspek sa ginawa niya sa asawa.

Selos ang isa sa mga tinitingnan na motibo sa krimen.

Ayon sa barangay, dati nang may hidwaan ang mag-asawa pero inilarawan naman ng isang opisyal na mabait ang suspek.

Hustisya naman ang hiling ng mga kaanak ng nasawi.-- FRJ, GMA News