Isang babaeng pitong-taong-gulang na nagpaalam na mangingisda ang itinali sa maliit na puno at pinagsamantalahan umano ng 26-anyos na kapitbahay sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing batay sa salaysay ng biktima sa pulisya, itinali siya ng suspek sa liblib na lugar kung saan ginawa ang panghahalay sa kaniya noong Biyernes.

Pero nagawang makatakas ang biktima at kaagad na nagsumbong sa kaniyang ina.

Ayon sa pulisya, lumitaw sa imbestigasyon na nagpaalam ang biktima na mangingisda kasama ang kapatid na lalaki.

Pero ang anak na lalaki lang ang nakauwi kaya nag-aalala ang ina at hinanap na ang anak na babae.

Hindi na nagbigay ng pahayag sa media ang ina ng biktima.

Nakita naman ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang tali na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa krimen.

Nakita rin sa lugar ang pang-ibabang saplot umano ng biktima.

Sa pagsusuri ng medico-legal, lumitaw na positibong ginalaw ang biktima.

Nahuli ang suspek kinalaunan pero itinanggi niya ang paratang laban sa kaniya.

Nakakulong ngayon ang suspek na nahaharap sa kasong rape.--FRJ, GMA News