Isang 18-anyos na lalaki ang naglasing at sinunog ang kanilang bahay sa Taytay, Palawan. Ang ugat ng galit ng lalaki, dahil umano sa pag-iwan sa kaniya ng kinakasama at dinala pa ang kanilang anak.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes at nag-Facebook live pa ang lalaki para maglabas ng sama ng loob.

"Kahit hindi maganda ang pakiramdam ko, ginagawa ko para sa kanila. Mahal ko sila tapos ganu'n lang ang gagawin nila?" sabi niya sa video.

Ipinakita pa niya sa video ang umano'y mga tanod na nasa likod niya pero walang magawa dahil takot daw sa kaniya.

"O walang nangyari. Kita n'yo yang mga tanod sa likod ko? Pinigilan ako. Ang problema, hindi sila nagagalit. Mga duwag naman," patuloy ng lalaki na naghamon sa social media kung sino ang may gusto ng away at kaniyang pupuntahan.

Sa sumunod na pangyayari, inipon ng lalaki ang mga gamit sa ibabaw ng papag at kaniyang sinilaban.

Hindi nagtagal, nag-apoy na ang buong bahay na gawa sa light material.

Nagsimula raw sumama ang loob ng lalaki nang umalis ang 17-anyos na kinakasama nito at dala ang kanilang anak.

Ayon kay Fire Officer 3 Ericdon Fernandez ng BFP Taytay, sinabi ng mga kaanak ng lalaki na napigilan ito sa unang pagtatangka na sunugin ang kanilang bahay.

Pero sa ikalawang pagkakataon, hindi raw agad napasok sa loob ng bahay ang lalaki dahil nagbabanta na.

Mayroon din umanong ibang problema sa pamilya ang lalaki.

Sa kabila ng nangyari, wala namang balak ang ina ng lalaki na sampahan ng reklamo ang kaniyang anak.

Nangako rin ang ina na aalagaan ang kaniyang anak.— FRJ, GMA News

Kung kailangan o may kakilala na nangangailangan ng kausap, maaaring tumawag sa Hopeline, ang 24/7 suicide prevention hotline, sa telepono bilang (02) 804-4673; 0917-5584673.