Malagim na sakuna ang sinapit ng tatlong magkakaibigan na sakay sa isang motorsiklo matapos silang sumalpok sa kasalubong na bus sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na sina John Califlores, 17-anyos, rider ng motorsiklo; Ervin Tan, 28; at Christine Ongkingco, 14.

Kaagad na nasawi sa pinangyarihan ng aksidente sa Barangay Bagong Buhay II nitong Lunes ng gabi sina Tan at Ongkingco. Habang sa ospital naman nalagutan ng hininga si Califlores.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nakainom umano ng grupo at mabilis ang takbo nang mawalan ng kontrol si Califlores sa motorsiklo at bumangga sa bus, na minamaneho ni Gerry Mendez.

Wala rin umanong suot na helmet ang tatlo, at walang ilaw ang kanilang motorsiklo.

Pero bago ang insidente, sinabi ng mga opisyal ng barangay na nauna nang sinita ang dalawang lalaki dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng motorsiklo.

Nasa kostudiya naman ng pulisya si Mendez at posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide.--FRJ, GMA News