Dahil sa kalasingan, nagwakas ang pagiging matalik na magkaibigan ng dalawang lalaki sa Mangaldan, Pangasinan. Ang suspek, pinatay sa taga ang kaibigang biktima.

Sa ulat ni King Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Alfredo Cendana, 57-anyos, ng Barangay Guesang.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nag-iinuman ang magkaibigan na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Naawat naman daw kaagad ang dalawa at pinauwi na lang sa kani-kanilang bahay.

Ngunit ang hindi alam ng biktima, kumuha ng espada at itak ang suspek at sinundan siya.

"Pagdating sa bahay ng ano...nangyari yung hacking incident," ayon kay Police Lieutenant Colonel Vicente Castor Jr., hepe ng Mangalan police.

Ayon sa kapatid ni Cendana, nakita niya ang pangyayari pero hindi raw siya makalapit sa biktima dahil sa takot sa suspek.

Nakuha ng mga awtoridad sa suspek ang espada at itak na ginamit sa krimen.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang naarestong suspek. --FRJ, GMA News