Patay ang isang magsasaka at kasama niyang pahinante matapos silang pagbabarilin sa Kapangan, Benguet.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Eleuterio Licudan, magsasaka at may-ari ng truck, at ang pahinante na si Jeric Limada.

Ayon sa pulisya, galing sa Bakun ang mga biktima at magbabagsak sana ng mga sayote sa La Trinidad Trading Post nang pagbabarilin sila sa bahagi ng Governor Dangwa Highway sa Kapangan.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin ang motibo sa krimen.

Pero lumilitaw sa paunang imbestigasyon na walang nawala sa gamit ng mga biktima. --FRJ, GMA News