Patay ang isang negosyanteng lalaki matapos na paluin ng sanga ng puno sa ulo ng mga salaring sumalakay sa kaniyang bahay sa sa Baggao, Cagayan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Reynante Jose, 66-anyos, ng Barangay Adawag sa nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na gabi at nasa kuwarto na ang biktima nang may tumawag sa kaniyang pangalan na nagsabing namatay ang kaniyang kapatid.

Pero nang magbukas ng pinto ang biktima, bumungad sa kaniya ang limang salarin na naka-bonnet at armado ng baril.

Inilabas umano ng mga salarin ang biktima habang ikinulong naman sa kuwarto ang kaniyang live-in partner.

Iginiit ng mga salarin na pera lang ang kanilang pakay. Pero kahit nakuha na ang pera na tinatayang nasa P200,000, pinalo pa rin nila ng sanga ng puno sa ulo si Jose na dahilan ng pagkamatay nito.

Napag-alaman na nagba-buy and sell ng mga baboy, kalabaw at baka ang biktima.

Pagnanakaw ang nakikita ng mga awtoridad na motibo sa krimen at patuloy na tinutugis ang mga salarin.

Nanawagan naman ang mga kaanak ni Jose ng hustisya at hulihin ang mga salarin upang hindi na muling makapambiktima.--FRJ, GMA News