Naagnas na nang matagpuan sa bakanteng lote ang isang 12-anyos na babae na ilang araw nang nawawala sa Nabua, Camarines Sur.

Sa ulat ni Charm Ragiles sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na Trixia Samson, ng Barangay San Antonio Ogbon.

Nakita ang bangkay ni Samson sa bakante at madamong lote sa Barangay Bustrac. Nawawala rin ang isang kamay at bahagi ng kaniyang binti.

Pero ayon sa isang opisyal ng barangay, posibleng aso ang may kagagawan kaya nawala ang naturang parte ng katawan ng biktima.

Nakita raw ang aso sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng dalagita, at sinabi ng amo ng hayop na minsan ay umuuwi ang kaniyang alaga na napakabaho.

Ang lola ng biktima na si Hilaria Luzon, nananawagan na mabigyan ng tamang hustisya ang kaniyang apo na huling nakitang buhay noong Agosto 4.

Isang suspek ang naaresto pero napatay ng mga pulis sa loob ng presinto nang mang-agaw umano ng baril habang isinasailalim sa interogasyon.

Dati na rin daw naharap sa kasong panggagahasa ang suspek.

Patuloy pa rin naman ang imbetigasyon ng pulisya upang alamin kung may iba pang sangkot sa krimen.--FRJ, GMA News