Pinagsaksak na, tinangay pa ng dalawang holdaper na isang babae at isang lalaki ang kita ng taxi driver na kanilang biniktima sa Baguio City.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nakaligtas pero nagtamo ng mga saksak sa braso at kamay ang biktimang si Joel Toralde.

Kuwento ng biktima, pinara siya ng mga salarin sa Lower Magsaysay Road at nagpahatid sa night market.

Pero pagdating sa night market, muling nagpahatid ang dalawa sa kanilang pinaggalingan.

Nang magawi umano sila sa isang madilim na lugar, nagdeklara na ng holdap ang babae.

Nakipagbuno ang driver sa lalaking holdaper at doon na siya pinagsasaksak.

Bukod sa kaniyang kinita sa pamamasada na P3,000, kinuha rin ng mga salarin ang memory card ng kaniyang dash camera.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para makilala ang mga salarin.

Payo rin ng pulisya sa mga driver, magduda na kapag nagpapapalit-palit ng lugar na paghahatiran ang kaniyang pasahero.--FRJ, GMA News