Nahuli-cam sa CCTV camera ang ginawang pagnanakaw ng isang lalaki sa mga nakasabit na bra, swimsuit at shorts sa isang cafe sa Bacolod City.

Sa video ng GMA Regional TV "One Western Visayas," unang nakita ang kawatan na paglakad-lakad sa labas ng saradong establisimyento.

Pero nakapasok umano ito sa cafe sa pagdaan sa siwang sa pader habang may bitbit na sako.

Inilagay niya sa sako ang mga panindang swimsuits, shorts at mga bra na nakita niyang nakasampay sa loob.

Ayon sa may-ari ng cafe, sarado sila nang mangyari ang insidente dahil libing ng kanilang tiyuhin.

Posibleng natiktikan sila ng kawatan na walang tao sa cafe kaya ito sumalakay.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng residente rin lang sa barangay ang kawatan dahil batid niya ang galaw ng may-ari ng establisimyento.

Para sa may-ari ng cafe, mas mabuting mabigyan ng leksiyon ang kawatan para hindi na makapambiktima ng iba.

Hinahanap na ngayon ang kawatan.--FRJ, GMA News