Patay ang isang driver ng delivery truck sa Cagayan de Oro City nang maatrasan at maipit siya ng sasakyan na minaneho ng kaniyang pahinante.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikita sa CCTV camera ang driver ng truck na si Randy Caballeros at pahinante na si Wendel Yana, habang hinihintay ang resibo ng idineliver nilang produkto sa isang bodega sa Barangay Puerto.

Nakaupo noon ang biktimang si Caballeros sa labas ng gusali.

Ilang sandali lang, nawala na si Yana sa kuha ng CCTV dahil sumampa na pala ito sa truck para imaneho at iabante.

Makikita pa sa kuha ng CCTV si Caballeros na sumisenyas habang nakaupo para ipaabante ang truck.

Pero sa halip na umabante, umatras ang truck at naipit sa kaniyang kinauupuan ang biktima na kaagad nasawi.

Sumuko naman si Yana sa pulisya matapos ang insidente at natuklasan na bayaw pala siya ng biktima.

Inihahanda na ang reklamong isasampa laban sa kaniya.--FRJ, GMA News