Nakunan sa CCTV camera ang dalawang beses na panloloob ng dalawang menor de edad na lalaki sa isang kainan sa Guiguinto, Bulacan.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa video ng may-aring si Amielyn Sanglay nitong Setyembre 3 na lumusot ang isang bata sa kanilang kainan.

Agad na pinuntahan ng bata ang kinalalagyan ng kaha matapos niyang tuluyang makapasok.

Ilang saglit pa ang lumipas, sumunod sa kaniya ang isa pa niyang kasamahan.

Natangay ng mga kabataan ang P5,000.

Muling naulit ang panloloob nitong Setyembre 15, kung saan nakuha uli sa CCTV ang pagpasok ng dalawang menor de edad sa bintana.

Dumiretso ang dalawa sa kaha saka nila pinilit sirain.

Hatinggabi nang mangyari ang panloloob ng mga kabataan, ayon sa may-ari ng kainan.

Binabasag nila ang salamin ng bintana gamit ang bato para makapasok.

Hinala ng may-ari, pareho lang ang mga suspek na nanloob sa una at ikalawang insidente.

Ngunit wala nang kahit anong natangay ang mga kabataan sa ikalawang panloloob dahil hindi na nag-iwan ng pera sa kaha ang staff.

Naiulat na sa mga awtoridad ang insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News