Naaresto nitong Biyernes ng umaga sa isang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng Lucena City Police Station ang isang 35-anyos na babae. 

Isinagawa ang operasyon sa isang bahay sa Purok 2, Dalahican, Lucena City sa lalawigan ng Quezon, kung saan naaresto ang suspek na kinilalang si Tess Ando.

Isang operatiba ang nagpanggap na buyer ng droga hanggang sa masukol ang suspek.

Nakuha sa babae ang mga sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P309,000.

Ayon kay Police Col. Romulo Albacea, hepe ng Lucena City Police, ang operasyon ay resulta ng mga  impormasyong ibinibigay ng mga concerned citizen sa lugar.

Kabilang din umano ang babae sa mga drug personalities ng lungsod, dagdag ni Albacea.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang babae. —LBG, GMA News