Sapul sa CCTV camera ang ginawang paghipo ng isang rider sa dibdib ng isang babae sa Jaro, Iloilo City. Pero sa halip na masindak ang babae, lumaban siya at tinangkang mahuli ang rider.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One Western Visayas," ipinakita ang CCTV footage sa nangyaring insidente sa loob ng isang subdibisyon sa Barangay Balibago.

Sa video, makikita ang rider na umikot sa kalye nang makita niya ang biktima na naglalakad. Nilapitan niya ang babae at sandali silang nag-usap.

Pero maya-maya pa, hinawakan na ng rider ang dibdib ng biktima.

Tatakas na sana ang rider pero hinabol siya ng babae at pinagsusuntok ang lalaki.

Tinangka pa ng babae na sumakay sa likod ng motorsiklo at maitumba ito para hindi ito makaalis.

Pero sa huli, nagawa pa ring makatakas ang rider.

Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Ann, nagtanong sa kaniya ng direksiyon ang rider.

Nagpasalamat pa raw ito sa kaniya pero nang aalis na ay biglang hinawakan ang kaniyang dibdib.

Inireport na ni Ann sa awtoridad ang nangyari para mabigyan ng babala ang iba pang babae sa lugar.

Lumitaw na hindi ito ang unang insidente na mayroon nabiktima ang naturang rider sa barangay at sa naturang lugar.


--FRJ, GMA News