Isang tanod na pauwi na sana ang napatay sa saksak nang rumesponde at umawat sa magkapatid na nag-aaway sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lcanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng isang saksak sa dibdib ang 50-anyos na tanod na si Manny Dela Peña, ng Barangay Matic-matic.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na raw noon si Dela Peña nang makita niya ang lasing na suspek na si Jeffrey Gloria at kapatid nito na nag-aaway.

Namagitan si Dela Peña sa magkapatid pero sinaksak siya ni Gloria, na agad na nadakip at nakakulong na ngayon.

Pero tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.

Inilarawan ni chairman Norman Dalope, si Dela Peña na isang masipag at maasahang tanod. --FRJ, GMA News