Namaga ang mukha at hirap na makakita ang isang 79-anyos na lolo matapos siyang batuhin ng mga kapitbahay na lasing umano sa San Manuel, Isabela.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jaime Buencamino.

Ayon kay Buencamino, natulog na siya kasama ang pamilya nang mabulabog sila ng mga nambabato sa kanilang bahay.

Lumabas ang lolo para kausapin ang mga nambabato umano na kinilala na sina Lando at Richard Gamboa.

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, binato sa mukha ng mga suspek ang biktima.

Ayon pa sa biktima, inakala ng mga salarin na siya ang unang nambato sa kanila habang sila'y nag-iinuman.

Nasa barangay na ang mga suspek na tumangging magbigay ng pahayag. —LBG, GMA News