Sa kulungan ang bagsak ng isang Amerikano matapos siyang magbiro na may lamang bomba ang kaniyang mga bagahe sa Tuguegarao City Airport sa Cagayan.

Sa ulat ng Police Regional Office 2, kinilala ang suspek na si George Adrien Favarielle, na taga-New Jersey, USA, na nag-"bomb joke" noong Nobyembre 3 sa nasabing airport.

Siniyasat ng mga tauhan ng Cebu Pacific Airlines ang bag ni Favarielle, at nalamang wala itong bomba. Matapos nito, agad na dinala sa himpilan ng Tuguegarao City PNP ang dayuhan.

Paliwanag ni Favarielle, bomb joke niya lamang daw ang kaniyang sinabi.

Kasama ng dayuhan ang kaniyang asawa nang mangyari ang insidente. Nanggaling sila sa bayan ng Gonzaga matapos umanong dumalo sa kaarawan ng ina ng asawa ni Favarielle.

Nakatakda sana silang bumalik sa Amerika noong araw na iyon.

Pansamantalang nakalaya ang suspek matapos maglagak ng piyansa na P30,000.

Sinabi ni Police Major Junvie Velasco, hepe ng Tuguegarao City Police Airport, na paglabag sa Anti-Bomb Joke Law ang ginawa ng dayuhan, at hindi ito maaaring gawin ng kahit na sino sa mga paliparan o kahit saan pa mang pampublikong lugar. —LBG, GMA News