Nawasak ang isang pampasaherong jeepney matapos na hagisan ng isang granada habang nakagarahe sa Santa Barbara, Iloilo.

Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News nitong Lunes, nangyari ang insidente nitong madaling araw ng Sabado sa Barangay Cabugao.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakagarahe noon ang naturang jeep sa bahay ni Ariel Surabilla, nang hagisan ito ng granada ng salaring sakay umano ng motorsiklo.

Sa lakas ng pagsabog, nabasag ang windshield ng sasakyan, nagkabutas-butas ang bubungan, nasira ang upuan,  may malaking butas sa sahig at halos hindi na mapapakinabangan.

Mabuti na lamang at walang nadamay o nasaktan sa insidente.

Ayon kay Surabilla, nagulat na lang siya nang makarinig siya ng malakas na pagsabog.

Wala siyang maisip na dahilan kung sino ang naghagis ng granada sa kaniyang sasakyan na napag-alamang inaarkila lamang niya.

Pero ayon sa punong barangay, isang miyembro ng pamilya ni Surabilla ang nasangkot noon sa gulo at kaniyang pinag-ayos dahil sa problema sa lupa.

Patuloy na isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.--FRJ, GMA News