Isang 60-anyos na ginang ang nasawi matapos pagsasaksakin ng sarili niyang anak sa Gumaca, Quezon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Evelyn Panaglima, ng Barangay Maunlad, Gumaca. Suspek naman ang kaniyang anak, Jowell Panaglima, 34-anyos.

Ayon kay Police Major Lowell Atienza, hepe ng Gumaca Municipal Police Station, bumulagta sa kanal ang biktima matapos pagsasaksakin at gilitan sa leeg ng suspek kaninang tanghali sa Barangay Maunlad.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, una raw hinanap ng suspek ang kaniyang ama. Pero nang hindi niya ito makita, ang kaniyang ina ang pinagbalingan ng suspek at pinagsasaksak.

Sinasabing wala umano sa katinuan ang suspek na kakalabas lang sa rehabilitation center dahil sa pagkalulong sa droga.

Matapos ang krimen, lumakad lang papalayo ang suspek na parang walang nangyari.

Isinugod naman sa pagamutan ang biktima na idineklarang dead on arrival.

Naaresto naman ang suspek na nasa kostudiya na ng mga awtoridad.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News