Patay ang isang 53-anyos na lalaki matapos siyang saksakin habang nakikipaglamay sa Dagupan City, Pangasinan. Ang biktima, nakaupo at kalong ang apo nang mangyari ang krimen.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Armando Siapno Sr, ng Barangay Lucao, Dagupan City.

Naaresto naman sa follow-up operation ng mga pulis ang nanaksak na si Jay-R Dizon, na residente rin sa lugar.

Ayon sa anak ng biktima na nasaksihan ang krimen, nakaupo noon ang kaniyang ama at kalong ang tatlong-taong-gulang na apo.

Maya-maya lang, lumapit umano si Dizon at kinuha ang dalang patalim na nasa bag at basta na lang sinaksak sa dibdib ang kaniyang ama at tinamaan ang puso nito.

Ligtas naman at hindi nasugatan ang apo.

Labis din na nagdadalamhati ang kinakasama ni Siapno na si Ruth, at hangad niyang makamit nila ang hustisya para sa asawa.

"Kinukuya-kuya ko pa naman siya tapos ganyan, hayop pala siya, demonyo. Walang sinasabi ang asawa ko...walang dahilan para ganunin ang asawa ko," hinanakita niya.

Dahil health protocol, hindi pinayagan ng pulisya na makapanayam ang salarin.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis upang alamin kung bakit sinaksak ng suspek ang biktima.--FRJ, GMA News